Thursday, August 14, 2014

Isang bukas na liham para sa gobyernong Aquino


Parang awa niyo na po. Kahit ako po’y kasalukuyang naninirahan sa ibang bansa, di ko po lubos maisip na ang mga buwis na aking binayaran nung mga nakalipas na taon na siya ninyong gamit para sa budyet ngaung taon at kahit sabihin pa ni Kris Aquino na porke mas mataas ang binabayaran niyang buwis ay mas may karapatan na siyang magsalita para sa lahat ng taumbayan (Matanong ko na rin po si Sen. Recto kung yung pagbili po naming ng mga kapalit ng Chickenjoy para kahit papaano ay maibsan ang hinagpis na aming nararamdaman; o mga gamot sa botika para sa sakit ng ulo na dulot ng trapik sa EDSA; o kaya isang piraso ng sigarilyo o bote ng alak upang lunurin ang aming mga walang katapusang problema sa renta, tax deductions na ubod ng laki o dili kaya’s sa bayad sa papamahal na singil sa kuryente at tubig ay katumbas ng pagbayad ng buwis na VAT at SIN TAX?)

Parang awa niyo na po. Hindi po ako nagbayad ng buwis para sulsulan si Antonio Trillanes IV, (dati po ginagalang namin siya at mataas ang paghanga naming dahil sa kaniyang idelohiya sa pagsugpo ng pandarambong sa rehimeng Arroyo) para lang pag-aksayahan ang pag-iimbestiga sa “parking building” ng Makati na itinayo noong pamunuan pa po ng dati’y mayor at ngayo’y bise presidenteng si Ginoong Jejomar Binay. Diyan nyo po pa gustong iwaldas ang pera ng taumbayan?

Magkano po ba ang budyet para sa isang senate hearing?
            Magkano ang photocopy ng mga papeles na ipapa-book bind bilang mga  datos para mabasa ng mga senador at mga panauhin?
            Magkano po ang bayad ng meryenda, tanghalian at hapunan para sa inyong mga inanyayahang panauhin at kayong mga mag-iimbestiga?
            Magkano po ang babayaran sa konsumo ng kuryente?

Natanong nyo na po ba sa inyong mga sarili kung
ilan ang napakain ninyong mga mamamayan na hindi makakain at naninirahan lamang sa lansangan?
            Ilang silid-aralan ang kailangan maipabangon kundi man ay maisayos sa Tacloban at iba pang mga lugar na hinagupit ng Yolanda?
            Ilang bubong o mga bahay ang naipatayo nang maayos para sa kanila?
            Anu na po ba ang nagawa nyo para tulungan ang mga magni-niyog sa cocolisap, ang mga magsasaka sa gastusin sa abono, at siempre sa pagpapatupad ng CARP?
            Anu na po ba ang balak ninyo sa libo-libong mga guro sa kolehiyo na nanganganib mawala sa serbisyo dahil sa pagpapatupad ninyo ng K-12?
            Aantayin nyo po ba na may mamatay sa MRT bago aksyunan ang mga sira neto?

At parang awa naman po Presidente Aquino, tang-INA naman po talaga eh, sasabihin nyo may mga nag-uudyok sa inyo na gusto kayong tumakbo ulit sa pagkapangulo. Kung hindi ba naman bangag kayo ser, eh sa SWS survey nga konte na lang ang nasisiyahan sa inyo tapos sasabihin nyo na marami ang gusto pa ng isa pang termino. Susme, idilat nyo naman po ang inyong mga mata na ang tangi lamang gusto nila ay ang mapalawig ang inyong termino para sila ay patuloy pa rin sa pagdarambong ng pera ng taumbayan.

Sana nga po nakakatulog kayo ng mahimbing sa bawat gabi kayo ay mahihimlay sa inyong mga malalambot na kama, na pinalamig ng mapagkonsumong air-conditioner sa isang magarang bahay habang ang karamihan sa ating mga kababayan ay dilat, gutom at walang masilungan.

Maghihintay pa po ba kami ng isang The Voice Kids, kagaya ni Lyca Gairanod, para lang po maigapang po naming ang aming mga sarili at maka-ahon sa hirap?

Kung ang tugon po ninyo ay oo, marahil kailangan na nga po nating buwagin ang gobyerno at umasa na lamang sa mga pribadong kumpanya nang sa ganoon po ay kahit konte, mas mataas po yung maiiuwi naming sahod para sa aming mga pamillya pandagdag sa makakain o kaya’y maipantustos sa mga tuition fees ng mga kapamilya naming nag-aaral pa.



           






No comments:

Post a Comment